top
logo
Monday, 24 November 2014


Site Last Updated:Friday 25 May 2012
Filipino Version

 

 


 

Ano ang hybrid na palay

Ang hybrid na barayti ng palay, na tinatawag ding F1, ay ang bunga ng unang henerasyon ng paglalahi ng dalawang barayti ng palay na nagtataglay ng pinakamahuhusay na mga katangian. Ang mahuhusay na mga katangiang ito ng mga magulang na palay ay naisasalin sa bunga at ito ay nagreresulta sa pagkakaroon ng hybrid vigor (lakas-hybrid) o heterosis. Ang mga tanim na hybrid na palay ay nagbubunga ng mas maraming butil bawat uhay kaysa sa karamihan ng mga inbred na barayti ng palay. Ang mga salik na nabanggit ang dahilan kung bakit mas mataas ang ani ng hybrid na palay kaysa ordinaryong palay. Ang karaniwang tawag sa hybrid na palay ay Mestiso.

 

Paano naiiba ang hybrid na palay sa ordinaryong palay o inbred?

Karamihan sa mga tanim na palay na makikita sa mga bukirin sa ngayon ay mga inbred. Ang mga ito ay may bulaklak ng palay na pambabae at panlalaki na nagbibigay daan sa pagbuo ng butil sa pamamagitan ng self-pollination o inbreeding (paglaglag ng polen sa  hybridistigma ng bulaklak ng iisang halaman). Maaaring itanim ang mga inaning inbred na palay sa susunod na mga panahon ng taniman na walang gaanong kabawasan sa ani.

Sa kabilang dako naman, ang binhi ng hybrid na palay ay nabubuo sa pamamagitan ng cross pollination na kung saan ang polen mula sa bulaklak ng isang barayti ng palay (R line) ay nalalaglag sa istigma ng bulaklak ng ibang barayti (A-line) (Fig. 1) Magkatabing itinatanim ang mga magulang ng palay at ang polinasyon ay isinasagawa sa paraang natural at artipisyal. Ang R-line ay katulad din ng ibang inbred ngunit, may katangian ito na makapagbigay ng hybrid vigor. Samantala, ang A-line naman ay isang uri ng barayti na sterile ang polen. Kinakailangan ang polen sa ibang barayti o halaman (R line) upang makabuo ng butil. Sa A-line na halaman nabubuo ang binhi ng hybrid na palay.

Gayunpaman, ang pagtatanim ng binhing hybrid na palay ay gaya rin ng ginagawa sa mga inbred at ang reproduksiyon ay sa pamamagitan din ng self-pollination. Ang ani mula sa hybrid ay parehas din ang itsura ng sa inbred, lamang, hindi ito magandang gamiting binhi dahil sa nawalang hybrid na lakas na magpapababa sa ani, hindi pantay na taas at hindi sabay na pagkahinog ng mga butil.

 

Ano ang tradisyunal, HYV, MRV, kumbensiyonal na barayti, at NPT o super rice?Paano sila naiba sa hybrid na palay?

Tradisyunal, HYV (high yielding varieties) o barayting mataas mag-ani, MRV (modern rice varieties) o modernong barayti, kumbensiyonal na barayti at NPT (new plant type) o bagong tipo ng halaman o super rice ay mga katawagang ginamit sa iba’t-ibang uri ng inbred na barayti.hybrid vs inbred

Ang mga tradisyunal na barayti ay matataas at madaling dumapa. Mababang umani ang barayting ito, mga 2 hanggang 2.5 t/ha ang  ani, at minsan lamang sa isang taon puwedeng itanim dahil 5 hanggang 6 na buwan bago mamunga ang bunga. Namamanahon din sila, ibig sabihin mamumulaklak lamang sila kung maiksi ang araw. Karaniwang mabango at masarap ang barayting ito.

Ang HYV, MRV at kumbensiyonal na barayti ay iisa lamang. Ito ay mga barayting may mababa o katamtamang taas; namumunga sa loob ng 4 na buwan pababa, hindi namamanahon kung kaya posible ang tatlong anihan sa isang taon; mataas umani; malakas tumugon sa abono; maraming magsuwi; at angkop na angkop sa mga bukiring may tiyak na patubig.

Ang new plant type (NPT) o super rice ay bago at modelong tipo ng halaman para sa sabog-tanim. Ang aning 12 t/ha na siyang pinupuntirya ay makakamit sa pagbabagong- anyo ng arkitektura ng palay na nagtataglay ng mga katangianag walang suwing hindi mamumunga; 150 hanggang 200 butil bawat uhay; mabigat na timbang ng butil sa bawat uhay; matatag na mga ugat; matibay na uhay; makapal at berdeng dahon, at mahabang mga butil. Ang mga mananaliksik ay patuloy na pinauunlad ang resistensiya nito sa aksip at iba pang peste ng palay.

Ang mga tradisyunal na barayti, HYV, MRV, kumbensiyonal na mga barayti, at mga NPT o mga super rices, lahat sila ay self-pollinated (inbred) hindi katulad ng hybrid na palay. Ang mga makabagong inbred ay ginagamit ding halamang pinagmumulan sa pagtuklas ng bagong hybrid na barayti na maaaring magbigay ng mas mataas pang ani.

Ang hybrid na palay ba ay GMO?

Ang hybrid na palay na mayroon tayo sa kasalukuyan ay hindi genetically modified organism (GMO). Samantala, ang PhilRice ay sumusuporta at patuloy na nananaliksik sa paggamit ng genetic engineering sa pagpapaunlad ng mga barayti ng palay.

 

Ano ang lakas- hybrid?DSC_0512

Tinatawag ding hybrid vigor o heterosis, ang lakas-hybrid ay bukod-tanging sa mga palay na hybrid lamang nakikita, at ito ay  nahahayag sa mga yugto ng maagang paglago at pagsusuwi ng tanim na palay. Ang lakas- hybrid na ito ang siyang nagpaparami ng mga butil sa bawat uhay na nagpapataas ng ani. Ang phenomenon o kababalaghang ito ay dahil sa synergy ng mga positibong katangian ng mga pinagmulang halamang palay. Ang mga pinagmulang halaman na palay na ginagamit sa pagbuo ng hybrid na barayti ay karaniwang may maiinam na katangian sa produksiyon ng hybrid na palay.

Anong binhing hybrid na palay ang maaaring itanim ng mga magsasaka sa ngayon?rice minicombine (8)

Ang mga magsasaka ay hinihimok na magtanim ng hybrid na palay dahil makatutulong ito sa pagkakaroon natin ng kakayahang mapunan ang pangangailangan natin sa bigas, pagpapataas ng ani at kita at karagdagang empleyo. Maaaring makapamili mula sa mga hybrid na pinaunlad ng mga pampublikong institusyon, tulad ng Mestiso 1, Mestiso 2, Mestiso 3 at mga hybrid na pinaunlad naman ng  mga pribadong kumpanya tulad ng SL8H, Bigante at Rizalina 28. Noongtaong 2009, may 25 binhing hybrid na nailabas. Karamihan sa mga ito ay maitatanim lang kung tag-araw samantalang ang ilan, tulad ng Mestiso 19 at Mestiso 20 ay maaaring itanim tag-araw man o tag-ulan. Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagtuklas ng bagong binhi na makapagbibigay ng mas mataas na ani at matibay sa sakit at peste.

 

Gaano ang taas ng ani na maaaring makamit ng mga magsasaka sa paggamit ng hybrid na palay?

Ang hybrid na palay ay maaaring makapagbigay ng karagdagang 15% ani sa kasalukuyang ani ng mga magsasaka. Sa tamang pamamahala at paborableng kapaligiran, makakamit ng mga magsasaka ang aning 12 t/ha sa bawat anihan.

Ang mataas na ani ng hybrid na palay ay mapatototohanan ng mga magsasakang nakapagtala ng matataas na ani mula 2004 hanggang taong 2009. harvesting (34)


Sila ay gaya ng mga sumusunod:


Umani ng 12.9 tonelada sa siang ektarya si ramil Jimenez ng Calintaan, Occidental mindoro at dineklara siyang hybrid rice highest yielder noong DS 2010. Ang aning ito ay malayo sa dati niyang inaani na 3.5-4 t/ha.

Noong 2009, nagtala ng pinakamataas na ani ng hybrid rice si Severino Payumo ng Cabanatuan City, Nueva Ecija, na umani ng 17.28 t/ha. Hindi din patatalo sa mataas na ani mula sa hybrid si Dominador Ercilla ng San Jose, Nueva Ecija na umani ng 16.02 t/ha (DS 2007)

Sa mga nakaraang taon, nakakuha din ng mataas na ani sina Eulogio Guira (14.52 t/ha) ng Magsaysay, Davao del Norte; Aida badong (17.2 t/ha) ng Camarines Sur; Antonio villanueva (12.2 t/ha) ng Tagudin, Ilocos Sur; at Purificacion Perez (11.7 t/ha) ng Victoria, Laguna.

Paano naiba ang produksiyon ng hybrid na palay sa kinagawiang pagsasaka ng mga magsasaka?

Ang pagsasaka na gamit ang binhing hybrid na palay ay katulad din ng sa pangkaraniwang inbred na palay maliban sa ang hybrid ay nangangailangan ng mas mataas na atensiyon sa paggawa ng punlaan at pamamahala ng punla. Dapat malulusog ang mga punla na gagamitin sa pagtatanim at matitibay at buo ang mga ugat upang maiwasan ang paggambala sa mga ugat. Sa ganitong paraan, maipapakita ng palay ang kanyang hybrid na lakas sa maagang panahon ng paglago na siya namang magpapataas sa inaasahang ani.planting A Line_03

Ang isang natatanging pagbabago mula sa nakasanayang pamamaraan ng mga magsasaka ay ang dami ng binhing ginagamit bawat ektarya. Sa nakagawian, 40 hanggang 120 kg ng binhi ang ginagamit. Kapag hybrid na palay, 15 hanggang 20 kg lamang binhi ang ginagamit. 

Upang masiguro ang pagtubo ng mga binhi ng hybrid na palay, ang mga binhi ay dapat ibinababad sa malinis na tubig sa loob ng 12 hanggang 24 oras o hanggang mamaga ang mga binhi. Kung hindi sa umaagos na tubig ibinabad ang mga binhi, palitan ang tubig sa loob ng lalagyan tuwing anim na oras. Hugasan ang mga binhi pagkatapos ibabad at ilagay sa sako na nakapatong sa kawayan o kahoy na plataporma at kulubin ng dayami upang mapabilis ang pagpapasibol ng mga binhi. Pasibulin hanggang sa may lumabas na puting tuldok ang embriyo.

Maari bang gamitin ang PalayCheck® sa pagpapalago ng hybrid na palay?

Oo. Ang paraang ginagamit sa pagpapalago ng hybrid na palay ay katulad din ng sa inbred maliban lamang sa pangangalaga. Mas mataas na atensyon sa paggawa ng punlaan at pamamahala ng punla ang kinakailangan ng hybrid.

 

Ang hybrid na palay ba ay maaaring gamitin sa sabog-tanim?

Oo. Sa Isabela, ang mga magsasaka ay nagtatanim ng hybrid na palay sa pamamagitan ng sabog-tanim upang matugunan ang problema sa lakas-paggawa sa panahon ng pagtatanim. Mas gusto ng mga magsasaka ang sabog-tanim para sa produksyon ng hybrid dahil nadadagdagan ang kita nila ng P1,500 hanggang P3,000 bawat ektarya.

Ang sabog-tanim na hybrid ay may aning 8 hanggang 9 t/ha o katulad din ng dami ng ani sa lipat-tanim na hybrid.

Sa Sultan Kudarat, ang hybrid na palay ay isinasabog-tanim sa pamamagitan ng drum seeder sa daming 30 kilogram bawat ektarya.

Maaari bang gamiting binhi ang aning hybrid na palay at makuha na gaya ng sa orihinal na binhi ang kaparehas na dami ng ani?

Hindi. Bagama’t ang inaning palay mula sa mga barayting inbred ay maaaring itanim ng mga magsasaka sa susunod na taniman, mas mainam pa rin ang pagtatanim ng certified seeds. Nararapat na bago at sertipikadong binhi ang gagamitin sa bawat pagtatanim. Higit na mahigpit ang rekomendasyon na ang inaning hybrid na palay ay hindi na maaaring gamiting binhi. Kung hindi, ito ay magreresulta sa hindi pantay-pantay na taas ng mga halaman, hindi sabay sabay na pagkahinog ng butil, at bababa ng 40% hanggang 60% ang ani. Upang makamit ang mataas na ani, kailangang bumili ng bagong binhi ang mga magsasaka bawat panahon ng taniman.

 

Ang hybrid na palay nga ba ay hindi maka-mahirap? harvesting (2)

Hindi. Ang hybrid na palay ay hindi totoongdi-ukol sa mga mahihirap na magsasaka dahil lamang sa kinakailangang bumili ng bagong binhi tuwing panahon ng taniman. Ang totoo, sa pagtatanim ng hybrid na palay ay mas tataas ang ani ng hanggang 15% pataas kumpara sa inbred. Sa tamang-tamang pamamahala at paborableng kapaligiran, maaring umani ng 12t/ha.

Magkano ang magagastos sa pagtatanim ng hybrid na palay?

Maliit lamang ang dagdag na gastos sa paggamit ng binhing hybrid. Ang dagdag na gastos ay para sa binhi at maingat na pagbunot at paglipat-tanim ng mga punla.

Ayon sa 2009 datos mula sa Department of Agriculture, ang karaniwang gastos sa produksiyon ng hybrid na palay ay P43,634/ha sa bawa’t panahon ng pagsasaka. Para naman sa pagbibinhi ng hybrid o seed production, ang gastusin ng isang seed grower ay umaabot ng P67,230/ha.

Bagama’t mataas ang gastos sa pagtatanim ng hybrid, mas mataas pa rin ng P15,000- P20,000 ang kita mula sa aning hybrid na palay.

Paano sinusuportahan ng pamahalaang Pilipinas ang pagpapapalaganap ng hybrid na palay?

Sinuportahan ng ating pamahalaan ang pagpapalaganap ng hybrid na palay. Isa sa pangunahing programa ng gobyerno ay ang komersiyalisasyon ng hybrid na palay hanggang magkaroon ang bansa ng kakayahang matugunan ang pangangailangan sa bigas, makalikha ng mga trabaho, at mabawasan ang kahirapan sa mga kanayunan. At upang matiyak ang implementasyon nito, pinangungunahan ng Department of Agriculture katuwang ang PhilRice at iba pang ahensya ng gobyerno ang programa para sa Komersiyalisasyon ng Hybrid na Palay (Hybrid Rice Commercialization Program).

 

Anu-ano ang iba pang mga pamamaraan upang mapabuti ang hybrid na palay?

Ang kalidad ng hybrid na palay ay mapabubuti sa pamamagitan ng paggamit ng minus-one element technique (MOET) kit at ng leaf color chart (LCC). moet (1)

Ang MOET ay isang pamamaraan ng pag-alam ng mga kulang na sustansiya ng lupa tulad ng zinc at sulfur. Sa paggamit nito, matutukoy kung anong sustansiya ang kulang dahil ang basehan sa pagtukoy ay ang aktwal na pagsulong ng palay.

lcc (18)Ang LCC naman sa kabilang dako, ay isang maliit na plastic ruler na may apat na iba’t-ibang kulay na berde na siyang kumakatawan sa iba’t-ibang kulay ng dahon ng palay.

Sa pamamagitan ng LCC, ang tamang panahon sa paglalagay ng tamang dami ng abono ng nitroheno ay matutukoy. Makatutulong din ito sa paggabay sa wastong paggamit ng abono at mapoprotektahan ang lupa at mga tubigan mula sa kontaminasyon bunga ng labis na paglalagay ng abono.

Mabibili ang MOET at LCC sa PhilRice sa Maligaya, Science City of Munoz, Nueva Ecija; at sa mga sangay nito sa: Los Banos, Laguna; San Mateo, Isabela; Batac, Ilocos Norte; Cansilayan, Murcia, Negros Occidental; Midsayap, North Cotabato; at RTR, Agusan del Norte.

Paano pinangangalagaan ng gobyerno ang kalidad ng hybrid na palay?training (7)

Ang mga ahensiya ng gobyerno ay nagsasagawa ng mga regular na pagsasanay sa produksiyon ng hybrid na palay para sa mga magsasaka. Nagsasagawa rin ang PhilRice ng taunang pagsasanay sa produksiyon ng binhi ng hybrid na palay para sa mga magbibinhi, extension workers, at mga interesadong magsasaka.

Ang mga paksang katulad ng pamamahala ng binhi, pamamahala ng punlaan, paglilipat-tanim, at pamamaraan sa pagseseguro ng kalidad ng binhi ay tinatalakay.

Ang isang magbibinhi bago ma-akredit ay kailangang sumailalim sa serye ng mga pagsasanay sa produksiyon ng binhi ng hybrid na palay na isinasagawa ng Department of Agriculture, Agricultural Training Institute, PhilRice at mga lokal na yunit ng pamahalaan. Bilang karagdagan, ang mga ahensyang nabanggit ay nagbibigay din ng mga kurso para sa mga magbibinhi habang ang National Seed Quality Control Services at PhilRice ay nagtatalaga ng mga inspektor ng binhi sa kritikal na panahon ng palay upang masiguro ang kalidad ng mga binhi.

Ang pagsusuri sa laboratoryo sa pagiging puro ng binhi, moisture content, grain mixture, at porsyento ng pagtubo ay kasama sa pagpapanatili ng kontrol sa kalidad ng binhi.

 

Anu-anong mga bansa ang matagumpay na nagtanim ng hybrid na palay?workshop (3)

Nagtatanim ang China ng hybrid na palay sa halos 50% ng kanyang 33 milyong ektaryang taniman ng palay na nagdadagdag ng 300  bilyong kilogramo sa kabuuang ani ng butil. Sa kabuuang produksyon ng palay ng China, 66% ay hybrid na palay. Para sa kabuuang produksyon ng palay sa buong mundo, umaabot sa 20% ang kontribusyon ng China. Ang teknolohiyang hybrid na palay ang tumulong sa China na mapataas ang produksiyon ng palay mula 140 milyong tonelada noong 1978 sa 188 milyong tonelada noong 1990.

Samantala, 1.4 M na ektarya naman ang pinagtataniman ng palay na hybrid sa India, 735,000 ektarya sa Bangladesh, 645 ektarya sa Vietnam ang pinagtataniman ng hybrid habang 814,349 ektarya naman ang target ng Pilipinas para sa 2013.

 

Sino ang nagpaparami ng binhi ng hybrid na palay?

Ang nagpaparami, nagpapalaganap at nagbebenta ng hybrid na palay ay ang sektor publiko at grupo ng mga pribadong sektor. Kabilang dito ang mga unibersidad, kooperatibang nagtatanim ng binhing hybrid, mga kumpanya ng binhi, mga interesadong NGO at iba pang mga organisadong mga grupo, gayundin ang mga akreditadong magbibinhi.

 

Espesyal na pansin ang ibinibigay ng PhilRice, na isa rin nagpaparami ng binhi, sa mga organisadong grupo upang sila ay maengganyo sa produksiyon ng hybrid na palay. Sa ganitong paraan, napapadali ang pagsesertipika ng mga binhi, nakakamit,napapabilis ang distribusyon at pagbebenta ng binhi at ng mga magbibinhi ang mga benepisyong dulot nito.

Mapapabilis din ang pagkakaroon o availability ng binhi sa mga magsasaka na nais magtanim ng hybrid.

 

Saan makabibili ng binhi ng hybrid na palay? farmer (22)

Mabibili ang binhing hybrid na palay sa lahat ng mga sangay ng PhilRice sa Ilocos Norte, Isabela, Nueva Ecija,  Laguna, Negros, Midsayap at Agusan. Makabibili rin sa mga lokal na yunit ng pamahalaan at sa mga panrehiyong tanggapan ng Department of Agriculture. Ang isang kilo ng binhi ay nagkakahalaga ng P195 mula sa mga nabanggit na ahensiya. Ang mga kooperatiba at pribadong sektor ay nagdadala rin ng binhing hybrid sa mga distibutors nila.

 

Saan makabibili ng hybrid na bigas?

Sa mga supermarket, katulad ng SM, Gaisano, at Waltermart, ay may mga naka-paketeng hybrid na bigas na maaaring mabili. ang mga ito ay karaniwang mula sa mga sangay ng PhilRice at mga kooperatiba ng magsasaka.

 

bottom

Maligaya, Science City of Muñoz, 3119 Nueva Ecija, Philippines